Nilinaw ng Supreme Court o SC na hindi puwedeng pagsabayin ang 20% senior citizen discount at existing promotional o negotiated discount kung ang hinihinging dagdag na bawas ay hindi pinapayagan ng batas. Sa halip, maaaring piliin ng senior citizen ang discount na mas makakatipid siya.
Ito ang naging ruling ng SC En Banc nitong October 14, 2026, matapos nitong ibasura ang conviction ni Orville U. Ong, general manager ng isang hotel sa Bacolod City, dahil sa umano’y paglabag sa Senior Citizens Act.
Ang reklamo ay may kaugnayan sa dalawang hotel guest na sina Atty. Paul S. Alcazaren, 66, at Eric Gadiana, 70, na umano’y hindi nabigyan ng karagdagang 20% senior citizen discount sa kanilang room rate.
Depensa ni Ong, nabigyan na ng 20% discount ang kuwarto sa pamamagitan ng negotiated rate para sa Cebu Bikers Club, kung saan miyembro ang dalawang senior citizen. Hindi na ito hiwalay na nakalagay sa official receipt dahil ibinawas na ang discount sa kabuuang bayarin.
Una nang hinatulang guilty si Ong ng Municipal Trial Court in Cities, Regional Trial Court, at Court of Appeals. Pero binaligtad ng Supreme Court ang mga naunang desisyon matapos matukoy na naibigay na ang 20% discount sa pamamagitan ng rate ng club.
Sa ilalim ng Republic Act 7432, na inamyendahan ng Republic Act 9994 o Expanded Senior Citizens Act of 2010, may karapatan ang mga Filipino resident na edad 60 pataas sa mga benepisyo, kabilang ang 20% discount sa hotel services.
Binigyang-diin ng SC na layunin ng batas na protektahan ang senior citizens, pero kailangan ding maging patas ang pagpapatupad nito sa mga negosyo.
Ang desisyon ay hindi nangangahulugang mawawala ang karapatan ng senior citizens sa discount. Sa halip, kung may promotional price, maaari nilang piliin kung alin ang mas malaking matitipid, ang promo o ang senior citizen discount.
Ayon sa Supreme Court, hindi dapat magpataw ang batas ng sobrang pasanin sa mga negosyo na maaaring makaapekto sa kanilang operasyon.