Dalawa ang nasawi at ilang iba pa ang nasugatan sa aksidente ng dalawang motorsiklo at isang dump truck sa National Road Highway, Barangay Concepcion, Batangas City, noong October 21, 2026.
Dahil dito, naglabas ng limang Show Cause Order o SCO ang Land Transportation Office o LTO CALABARZON laban sa mga driver at rehistradong may-ari ng mga sasakyang sangkot.
Batay sa ulat ng Batangas City Police Station at sa social media post, nangyari ang aksidente bandang alas-10:15 ng umaga. Ayon sa mga dokumento ng LTO, bumangga ang isang Honda ADV motorcycle sa likuran ng isang Mitsukoshi motorcycle. Nawalan umano ng kontrol ang Honda ADV, lumihis sa kabilang lane, at bumangga nang harapan sa Isuzu dump truck.
Dalawang indibidwal ang agad na nasawi sa pinangyarihan, habang ang iba pang sangkot ay nagtamo ng mga pinsala. Isa sa mga nasugatan ang isinugod sa San Jose District Hospital sa Batangas para sa agarang gamutan.
Inatasan ng LTO ang mga driver at rehistradong may-ari na magsumite ng sinumpaang paliwanag sa loob ng limang araw mula sa pagtanggap ng kautusan, kasama ang mga dokumentong susuporta sa kanilang panig.
Bilang bahagi ng imbestigasyon, inilagay sa alarm ang lahat ng tatlong sasakyan at ipinataw ang 90-araw na preventive suspension.
Sa ilalim ng pamumuno ni LTO CALABARZON Regional Director Elmer J. Decena, patuloy ang pagpapatupad ng mga hakbang upang matiyak ang pananagutan ng mga sangkot at mapangalagaan ang kaligtasan ng publiko.