Opens in a new tab
Skip to content
Local

P175-million worth ng yosi na walang tax stamps, nasamsam ng Customs

Nasa kustodiya na ng Bureau of Customs o BOC ang tinatayang 1,600 master cases ng sigarilyong walang BIR tax stamps na nagkakahalaga ng 175 million pesos, matapos madiskubre sa isang pribadong pantalan at compound sa Palauig, Zambales noong October 20, 2026.

Ayon sa BOC, natagpuan ang mga sigarilyong may tatak na “Modern” sa loob ng apat na shipping container. Nagsimula ang inspeksyon matapos mapansin ng mga operatiba ang matapang na amoy ng tabako mula sa mga container. Nang buksan ang mga ito sa harap ng mga kinatawan ng barangay at PNP-Palauig, doon nakita ang mga kargamento na walang kinakailangang tax stamps.

Pinangunahan ng Customs Intelligence and Investigation Service o CIIS-Limay at CIIS-Subic ang operasyon, katuwang ang Enforcement and Security Service, Philippine Coast Guard, Philippine National Police Regional Office 3, Department of Environment and Natural Resources, at iba pang law enforcement agencies. Nagbigay rin ng seguridad ang 69th Infantry Battalion ng Philippine Army.

Agad na isinailalim sa seizure ang mga sigarilyo at muling sinelyuhan ang mga container habang hinihintay ang pinal na imbentaryo at nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Ayon kay Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno, paiigtingin ng ahensya ang pagbabantay laban sa mga kargamentong posibleng umiiwas sa pagbabayad ng buwis. Layunin din nitong maprotektahan ang kita ng gobyerno at ang mga negosyong sumusunod sa batas.

Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang kampanya laban sa smuggling. Patuloy namang bineberipika at dinodokumento ng BOC ang mga nakumpiskang sigarilyo upang matukoy ang mga posibleng managot sa insidente.