Hindi na awtomatikong magpapatupad ng malawakang class suspension dahil lamang sa matinding init ang Department of Education o DepEd.
Sa halip, gagamit ng localized guidelines ang mga paaralan para maprotektahan ang kalusugan ng mga estudyante at guro habang nagpapatuloy ang pag-aaral sa gitna ng inaasahang malakas hanggang napakalakas na El Niño na maaaring tumagal hanggang kalagitnaan ng 2027.
Sa ilalim ng DepEd Memorandum No. 64, series of 2026, inatasan ni Education Secretary Sonny Angara ang mga school head na subaybayan ang temperatura at humidity sa loob ng mga silid-aralan tuwing alas-8 ng umaga, alas-12 ng tanghali, at alas-2 ng hapon.
May apat na antas ang sistemang tinawag na 4H framework. Sa Hayo, o temperaturang mas mababa sa 27 degrees Celsius, tuloy ang face-to-face classes na may regular na water breaks. Sa Hinay, o 27 hanggang 32 degrees, maaaring paikliin ang oras ng klase o gumamit ng hybrid at home-based learning.
Sa Hinga, o 33 hanggang 41 degrees, suspendido ang physical classes at lilipat ang mga estudyante sa mas magaan na home-based activities. Kapag umabot sa Hinto, o 42 degrees pataas, ititigil ang lahat ng physical at home-based academic activities.
Inaatasan din ang mga paaralan na tiyakin ang sapat na inuming tubig, mapanatili ang School-Based Feeding Program, at magsagawa ng electrical inspections at paglilinis ng tuyong mga halaman upang maiwasan ang sunog. Pinapayagan din ang mas preskong kasuotan, basta disente at naaayon sa patakaran.
Para pondohan ang mga hakbang, maaaring gamitin ang Maintenance and Other Operating Expenses o MOOE, Special Education Fund o SEF, Disaster Preparedness and Response Program o DPRP, at emergency procurement sa ilalim ng Republic Act 12009.
Ayon kay Angara, layunin ng mga hakbang na maagang maihanda ang mga paaralan sa matinding init at kakulangan sa tubig nang hindi kinakailangang isakripisyo ang oras ng pagkatuto.
Agad na ipatutupad ang polisiya at mananatili ito hanggang opisyal na ideklara ng PAGASA ang pagtatapos ng El Niño episode sa 2026 hanggang 2027.