Opens in a new tab
Skip to content
Education

Cayetano, isinusulong ang debate sa pag-alis ng dagdag na taon sa K to 12

Posibleng mabawasan ang taon sa basic education sa Pilipinas. Ito ang panukalang muling inilatag ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa pagtalakay sa proposed 2027 budget ng Department of Education o DepEd noong October 16.

Hiniling ni Cayetano kay Education Secretary Sonny Angara na simulan ang pormal na debate kung dapat panatilihin ang K to 12 sa susunod na limang taon o alisin ang isa hanggang dalawang taon at bumalik sa K to 11 o K to 10.

Ayon sa senador, maaaring kailanganin ng karagdagang P500 billion para ganap na mapondohan ang kasalukuyang sistema. Kaya iminungkahi niyang suriin muna ang kakulangan ng bawat paaralan sa classrooms, internet access, clinics, guidance offices at iba pang pasilidad, upang malaman kung saan dapat ilaan ang pondo.

Binigyang-diin ni Cayetano ang malaking agwat sa gastusin kada estudyante. Sa Philippine Science High School, mahigit P224,000 ang ginagastos ng gobyerno kada mag-aaral, hanggang 30 estudyante ang nasa isang classroom, at umaabot sa walong oras ang klase kada araw.

Samantala, sa mga pampublikong elementarya at high school na pinangangasiwaan ng DepEd, P34,960 lamang ang gastusin kada estudyante. May mga silid-aralan ding naglalaman ng 70 hanggang 100 estudyante, habang ang ilang paaralan ay lima hanggang anim na oras lamang ang pasok dahil sa shifting.

Ani ni Cayetano, kung aalisin ang dagdag na dalawang taon, maaaring mailipat ang pondo sa pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon, pagpapaluwag ng mga classroom at pagpapahaba ng oras ng pag-aaral.

Dagdag pa niya, makikita sa kalidad ng edukasyon ngayon kung anong uri ng Pilipinas ang maaaring mabuo sa susunod na 10 hanggang 15 taon. | BChannel News