Hindi na kailangang mag-uniform ang mga estudyante sa mga pampublikong paaralan upang makatulong na makayanan ang matinding init na inaasahang dulot ng Super El Niño.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, maaari nang magsuot ng sando o iba pang komportableng damit ang mga estudyante, basta maayos at angkop pa rin sa pagpasok sa paaralan.
Bahagi ito ng paghahanda ng Department of Education o DepEd sa inaasahang matinding init, tagtuyot at kakulangan sa tubig mula sa huling bahagi ng 2026 hanggang unang bahagi ng 2027.
Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni Angara na maaaring ipatupad ang maagang dismissal, pagpapaikli ng oras ng klase at suspensyon ng klase depende sa sitwasyon. Kapag umabot sa 40 degrees Celsius o higit pa ang temperatura, dapat nang pauwiin ang mga estudyante. Maaari rin itong gawin nang mas maaga kung may panganib na sa kanilang kalusugan, gaya ng pananakit ng ulo at pagdurugo ng ilong.
Nilinaw ni Angara na may kapangyarihan ang mga school administrator na magpatupad ng emergency measures, habang maaari ring magsuspinde ng klase ang mga lokal na pamahalaan. Isinasaalang-alang din ang mas flexible na schedule, lalo na sa pinakamainit na oras mula alas-diyes ng umaga hanggang alas-dos ng hapon.
Bilang pangmatagalang solusyon, pinag-aaralan ng DepEd ang paglalagay ng solar panels sa mga paaralan para sa suplay ng kuryente ng mga ilaw at electric fan. Sisikapin din ng ahensya na magkaroon ng lalagyan ng malinis na inuming tubig sa bawat classroom upang maiwasan ang dehydration.
Ayon sa Science Secretary Renato Solidum, maaaring makaranas ng tagtuyot o matinding pagkatuyo ang lahat ng probinsya pagsapit ng katapusan ng Marso 2027, depende sa dami ng ulan sa bawat lugar.