Makakatanggap ng hanggang walong libong pisong cash assistance ang qualified members ng Social Security System o SSS na may monthly salary credit na sampung libong piso pababa, simula October 30.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development o DSWD, bahagi ito ng pinalawak na Unified Package for Livelihood, Industry, Food and Transport o UPLIFT program, na naglalayong makatulong sa 7.5 million mahihirap at low-income Filipinos sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis at epekto ng tensyon sa pagitan ng United States at Iran.
Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, pinalawak ang saklaw ng assistance upang maisama ang mas maraming SSS members na may mababang kita. Dati, kabilang sa mga benepisyaryo ang may monthly salary credit na hindi hihigit sa 20 thousand pesos.
Ang kabuuang walong libong piso ay katumbas ng apat na tranche na tig-dalawang libong piso. Para sa mga first-time recipient sa bagong income bracket, ibibigay ang buong halaga sa October 30. Samantala, ang mga nakatanggap na ng unang dalawang tranche na nagkakahalaga ng apat na libong piso ay makatatanggap ng natitirang apat na libong piso.
Gayunman, hindi awtomatikong makatatanggap ang lahat ng may salary credit na sampung libong piso pababa. Kabilang sa requirements ang pagkakaroon ng kahit isang SSS contribution noong 2025 o 2026, pagkakasama sa 2024 Community-Based Monitoring System database ng Philippine Statistics Authority, at napapanahong pagpaparehistro ng bank account o mobile wallet sa SSS Disbursement Account Enrollment Module.
Samantala, ang Group 3 beneficiaries na may monthly salary credit na hindi hihigit sa 20 thousand pesos ay nakatanggap na ng second tranche noong October 23 at 24. Ang third at fourth tranches na may kabuuang apat na libong piso ay nakatakdang ipamahagi simula November 6.
Pinapayuhan ang mga miyembro na tingnan ang kanilang My.SSS account para malaman ang kanilang eligibility at payment updates. Para naman sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng Group 2 na wala pang electronic wallet, hintayin ang abiso ng kanilang local government unit tungkol sa manual payout na isasagawa mula November 2 hanggang 30.