Opens in a new tab
Skip to content
Business

Marcos, nangakong ipaglalaban ang piso matapos bumagsak sa record low na P64.18 kada dolyar

Nangako si President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gagamitin ng gobyerno ang lahat ng posibleng paraan para pigilan ang patuloy na paghina ng piso, matapos itong umabot sa record low na ₱64.18 kada US dollar sa intraday trading nitong Miyerkules, October 28.

Ito ay kasunod ng pagsasara ng palitan sa ₱64.17 noong Martes, October 27.

Ayon kay Marcos, kabilang sa mga dahilan ng paghina ng piso ang patuloy na pagtaas ng global oil prices, tensyon sa Middle East, at paglakas ng US dollar. Hinimok din niya ang publiko na huwag mag-panic, dahil may sapat na foreign exchange reserves ang bansa na maaaring gamitin para suportahan ang lokal na pera.

Batay sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP, umabot sa 99.5 billion US dollars ang gross international reserves ng bansa sa pagtatapos ng September, bagama’t mas mababa ito kumpara sa mga nakaraang buwan.

Samantala, sinabi ng Pangulo na limitado ang kayang gawin ng monetary policy lamang upang mapababa ang inflation, dahil supply-side factors ang isa sa mga nagtutulak sa pagtaas ng presyo. Aniya, bagama’t hindi kontrolado ng gobyerno ang international oil prices, maaari itong kumilos upang makatulong na mapababa ang presyo ng pagkain.

Posibleng maramdaman ng mga consumer ang epekto ng mahinang piso sa mas mahal na imported fuel, gamot, electronics at iba pang produkto. Maaari rin itong magpataas sa gastos sa transportasyon, kuryente at negosyo. Sa kabilang banda, mas maraming piso ang maaaring matanggap ng mga overseas Filipino workers o OFWs kapag ipinapalit sa piso ang kanilang dolyar.

Noong October 22, itinaas din ng BSP ng 50 basis points ang key policy interest rate sa 5.5 percent bilang tugon sa lumalawak na inflationary pressures at mga panganib sa ekonomiya.