Opens in a new tab
Skip to content
National

Comelec, muling magbubukas ng voter registration sa November 10

May mahigit isang taon ang mga Pilipino para magparehistro bilang botante, matapos itakda ng Commission on Elections o Comelec ang pagbubukas ng voter registration sa November 10, 2026, hanggang July 30, 2027, bilang paghahanda sa 2028 national and local elections.

Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, layunin ng maagang pagpaparehistro na magkaroon ng sapat na oras para maproseso at malinis ang listahan ng mga botante bago ang halalan.

Puwedeng magparehistro ang mga hindi pa registered voters. Maaari ring magpa-reactivate, magpa-transfer ng registration, magpa-revive ng dating registration, o mag-update ng personal information sa kanilang voter records.

Ibabalik din ng Comelec ang Register Anywhere and Anytime Program sa piling locations gaya ng airports, hospitals, at data centers. Layunin nitong mapadali ang pagpaparehistro, lalo na para sa mga hindi makapunta sa regular registration sites dahil sa kanilang work schedule.

Batay sa naunang datos ng Comelec, nasa 71 million ang kasalukuyang registered voters sa bansa. Samantala, tinatayang 74 million Filipinos ang magiging eligible na bumoto sa May 2028 national and local elections. Inaasahan din ang karagdagang one million eligible voters para sa November 2028 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections o BSKE.

Sa huling voter registration period mula October 20, 2025, hanggang May 18, 2026, nakatanggap ang Comelec ng mahigit 5.4 million voter applications.