Opens in a new tab
Skip to content
National

Pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa ngayong Undas, asahan; Bagyo, posibleng pangalanang Samuel pagpasok sa PAR

Pinag-iingat ng PAGASA ang publiko sa posibleng pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa ngayong Undas, partikular sa Visayas at Mindanao, dahil sa epekto ng low-pressure area o LPA at Intertropical Convergence Zone o ITCZ.

Sa 5 a.m. weather bulletin nitong Biyernes, namataan ang LPA na may international designation na 10C, sa layong 585 kilometers east ng Borongan City, Eastern Samar. Gayunman, mababa ang posibilidad nitong maging tropical depression sa loob ng susunod na 24 oras.

Inaasahang magdadala ang trough nito ng maulap na kalangitan, kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Zamboanga Peninsula, BARMM, Northern Mindanao, Caraga at Palawan.

Samantala, asahan din ang mga pag-ulan sa silangang bahagi ng Northern at Central Luzon dahil sa shear line. Kabilang sa mga apektadong lugar ang Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Aurora at Quezon.

Sa special weather outlook ng PAGASA para sa Undas, mula October 30 hanggang November 2, generally fair weather naman ang inaasahan sa malaking bahagi ng Luzon, habang mas mataas ang tsansa ng pag-ulan sa ilang lugar sa silangang bahagi nito. Posible ring makaranas ng scattered rain showers at thunderstorms ang Visayas at Mindanao ngayong weekend.

Patuloy rin namang binabantayan ng PAGASA ang Super Typhoon In-fa na nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility o PAR, may layong 2,935 kilometers east ng Northern Luzon.

Taglay nito ang maximum sustained winds na 185 kilometers per hour at gustiness na hanggang 230 kilometers per hour, habang kumikilos pa-west northwest sa bilis na 30 kilometers per hour.

Hindi inaasahang direktang makaaapekto sa bansa ang bagyo dahil posibleng lumiko ito patungong Japan. Gayunman, maaari itong pumasok sa PAR sa November 2 o 3 at papangalanang Samuel.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na gale warning ang PAGASA. Pinapayuhan pa rin ang publiko na regular na subaybayan ang mga opisyal na weather advisory, lalo na sa mga bumiyahe at bibisita sa mga sementeryo ngayong Undas.