Isang barko ang tumagilid malapit sa Real Port sa Barangay Ungos, Real, Quezon, madaling-araw nitong October 30, dahilan para ilikas ang 40 pasahero at 18 crew members, kabilang ang dalawang sanggol.
Ayon sa Philippine Coast Guard o PCG, nangyari ang insidente bandang alas-12:44 ng madaling-araw, sampung metro lamang mula sa pantalan. Natapos ang rescue operation bandang alas-3:30 ng umaga.
Kinumpirma ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office na nasa maayos na pisikal na kondisyon ang lahat ng 58 indibidwal na sakay ng barko.
Kinilala ang sasakyang pandagat na MV Virgen de Peñafrancia II, na pinatatakbo ng Starhorse Shipping Lines Inc. Galing ito sa Polillo Port at patungong Real Port, na may kargang 14 rolling cargoes nang mangyari ang insidente.
Samantala, binabantayan din ng Coast Guard ang posibleng oil spill mula sa barko. Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, may 1,300 liters ng marine diesel oil sa service tank nito.
Nag-deploy na ang PCG ng oil spill booms para maprotektahan ang mga kalapit na coastal community. Sinusuri rin ang natitirang fuel at oil upang matukoy kung may naganap na marine pollution.
Inatasan na rin ang shipping company na kumuha ng Emergency Salvage Permit para sa ligtas na pagtanggal sa barko.
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng insidente at ang posibleng epekto nito sa kapaligiran.
Samantala, tiniyak ng PCG na hindi maaapektuhan ang biyahe ng mga sea passengers sa Southern Tagalog. Naitala naman ng Coast Guard District Southern Tagalog ang 4,107 outbound at 4,373 inbound passengers mula alas-12 ng hatinggabi hanggang alas-6 ng umaga ngayong October 30, kasabay ng pinaigting na safety inspections ngayong Undas.