Opens in a new tab
Skip to content
Local

Ilang tapunan ng mga patay na alagang hayop, natuklasan sa Bulacan

Umaabot na sa mahigit 100 ang mga labi ng aso at pusang natagpuang itinapon sa iba’t ibang lugar sa San Jose del Monte City, Bulacan, habang nadiskubre rin ang panibagong tapunan sa isang septic tank sa Barangay Minuyan IV nitong November 2.

Ayon sa Luna and Furry Siblings Animal Welfare Rescue, tinatayang 120 bag o higit pa ang nakita nila sa mga lugar na sinuri. May mga labi nang naaagnas at ang ilan ay hindi na makilala.

Posibleng may 20 hanggang 40 pang labi sa septic tank, pero hindi pa ito nabubuksan para sa inspeksyon dahil kailangan munang sundin ang tamang proseso.

Naiulat na rin sa PNP ang naturang septic tank noong November 13, 2025, ngunit hindi umano ito naaksyunan. Nauna ring nakakita ang grupo ng 30 hanggang 40 labi sa Barangay Minuyan V noong May 2026.

Nakikipagtulungan na ang animal welfare group sa National Bureau of Investigation o NBI para matukoy kung saan nagmula ang mga labi at kung may kaugnayan ang mga ito sa isang pet crematorium o iba pang pet aftercare services.

Samantala, hinihikayat ng Animal Kingdom Foundation ang mga pet owner na posibleng apektado na makipag-ugnayan sa mga imbestigador at itago ang kanilang mga resibo at cremation documents bilang ebidensya.

Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy kung sino ang responsable at kung anong mga kaso ang maaaring isampa.