Opens in a new tab
Skip to content
Local

20-anyos na lalaki, nasawi matapos masagasaan ng PNR train sa San Pablo City, Laguna

Nasawi ang isang 20-anyos na lalaki matapos mabangga ng tren ng Philippine National Railways o PNR habang tumatawid sa riles sa Barangay Del Remedio, San Pablo City, Laguna, alas-6:37 ng umaga noong November 3, 2026.

Batay sa initial investigation ng San Pablo City Police, sakay ng motorsiklo ang biktima bilang back rider. Pagdating sa lugar, bumaba ito ng motorsiklo habang suot ang helmet na may nakapasok pang cellphone.

Tumawid ang biktima sa railway tracks ngunit nasalpok ng paparating na PNR train na may Body Number 8001 na minamaneho ni Yob.

Agad na rumesponde ang San Pablo City CDRRMO at isinugod ang biktima sa San Pablo District Hospital. Gayunman, idineklarang dead on arrival ng attending medical personnel ang biktima.

Kinilala ang nasawi sa alyas na Khush, isang negosyanteng tubong India at residente ng Patria Village, Barangay Del Remedio.

Ayon sa pulisya, batay sa pahayag ng witness na sakay din ng motorsiklo, bumaba ang biktima bago nangyari ang insidente.

Patuloy pang iniimbestigahan ng San Pablo City Police ang kaso na may kaugnayan sa reckless imprudence resulting in homicide and damage to property.