Patay ang isang 35-anyos na lalaki matapos pagsasaksakin ng 38-anyos na kainuman sa Barangay Natunuan, San Jose, Batangas, madaling-araw ng November 15, 2026.
Kinilala ang biktima na si Mario, habang John naman ang suspek na tinutugis na ngayon ng pulisya.
Batay sa imbestigasyon ng San Jose Municipal Police Station, naganap ang insidente dakong alas-2 ng madaling-araw sa mismong bahay ng biktima habang nag-iinuman ang tatlo, kasama ang isang saksi na si Erwin.
Nauwi umano sa mainitang pagtatalo ang kanilang inuman. Umalis ang saksi, ngunit nagpatuloy ang pagtatalo ng biktima at suspek hanggang sa pagsasaksakin umano ni John si Mario gamit ang isang kitchen knife sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Namatay ang biktima dahil sa mga tinamong saksak, habang tumakas naman ang suspek matapos ang insidente.
Lumilitaw sa paunang imbestigasyon na posibleng nag-ugat ang krimen sa dati nang alitan ng dalawa noong nasa Camarines Sur pa sila.
Narekober sa pinangyarihan ang isang 9 na pulgadang kitchen knife na may bahid ng dugo.
Iniulat ang insidente sa pulisya dakong alas-siyete y medya ng umaga. Humingi na rin ng technical assistance ang San Jose MPS sa Batangas Forensic Unit habang nagpapatuloy ang hot pursuit at follow-up operations para matunton at madakip ang suspek. | BChannel News