Umabot na sa 127 motorista ang nagpositibo sa alcohol breath test ng Land Transportation Office o LTO ngayong 2026, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa drunk driving.
Sa ilalim ng pamumuno ni Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, patuloy ang ahensya sa paghuli sa mga driver na nagmamaneho matapos uminom ng alak upang maiwasan ang mga aksidente sa kalsada.
Alinsunod sa Memorandum Circular No. MVL-2026-242, kailangang sumailalim muna sa Field Sobriety Test o FST at Alcohol Breath Analyzer o ABA test ang mga pinaghihinalaang lasing na driver bago isagawa ang kaukulang aksyon.
Ayon kay Lacanilao, layunin ng kampanya na mapanagot ang mga lumalabag sa batas at maprotektahan ang lahat ng gumagamit ng kalsada.
Tiniyak naman ng LTO na magpapatuloy ang mahigpit na pagbabantay at pagpapatupad ng batas laban sa drunk driving.