Muling iginiit ng Department of Migrant Workers o DMW ang panawagan nito sa mga shipowners at manning agencies na umiwas sa mga high-risk at war-like areas, gaya ng Red Sea at Gulf of Aden, para masiguro ang kaligtasan ng ating mga kababayang seafarers.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, kasunod ito ng mga ulat ng panibagong pag-atake sa Red Sea. Sa ilalim ng Department Order No. 1, Series of 2024, inuutos na i-divert o ilihis ang mga biyahe palayo sa mga delikadong lugar.
Dagdag pa niya, obligadong i-report ng mga manning agencies ang schedule ng pagdaan ng barko, lalo kung may sakay itong Filipino crew. Ang hindi pagsunod ay may katapat na parusa sa ilalim ng DMW rules.
Sinabi pa ng kalihim, “The Department will not hesitate to take firm and lawful action against those who compromise the safety of our seafarers. We owe them protection, not promises.”
Kasalukuyang nakikipag-ugnayan na ang DMW sa mga pamilya ng seafarers sa pamamagitan ng tawag at Zoom meetings para siguraduhing updated at may sapat na tulong.
Binigyang-diin din ni Cacdac na direktiba ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. — ang unahin ang kapakanan ng bawat Pilipinong seafarer at ng kanilang pamilya. | BChannel NEWS