Isang pagnanakaw ang naitala sa Brgy. San Roque, Sto. Tomas City, matapos madiskubre ng isang 71-anyos na babae na pinasok ang kanilang bahay habang nasa Makati sila ng kanyang mga adopted children.
Ayon sa ulat ng Sto. Tomas City Police Station, pasado alas-onse ng gabi, July 13, nakatanggap ng tawag si Barangay Chairman Edwin Senteno mula sa isang concerned resident ukol sa insidente ng pagnanakaw sa Pearl Street, Doña Fidela Subdivision.
Agad namang rumesponde ang mga pulis na sina PSSG Manimtim at PCpl Quatchon sa lugar.
Base sa imbestigasyon, bandang alas-onse ng umaga ay umalis ang biktima na si Ariza, kasama ang kanyang mga anak, patungong Makati. Pero bandang alas-singko ng hapon, nakatanggap siya ng tawag mula sa caretaker ng bahay na nagsabing pinasok ito ng mga di pa kilalang suspek.
Pagbalik ng pamilya, tumambad sa kanila ang nawawalang halagang Php 2 milyon cash na nakalagay umano sa cabinet.
Isang red na MPV ang namataan ng kapitbahay na nakaparada sa tapat ng bahay bandang tanghali. Apat na katao ang bumaba at pumasok sa bahay at pagkatapos ng ilang minuto ay mabilis ding umalis.
Kinilala ng biktima ang isa sa mga suspek na si Lily, 68 anyos, dati niyang matalik na kaibigan at dating guardian ng kanyang mga anak. Ayon sa kanya, nagkaroon sila ng alitan noong 2024 kaya’t iniwan na siya nito.
Patuloy ang follow-up operation ng tracker team ng Sto. Tomas Police, habang nagsagawa na rin ng crime scene processing ang Regional Forensic Unit. | BChannel NEWS