Umani ng papuri mula sa netizens ang ibinahaging kwento ni John Piolo Bathan Pelogero, isang Batangueño at overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait, ukol sa kanilang pamilya matapos mawalan ng mga magulang sa murang edad.

Sa kanyang salaysay, inamin ni John na maraming gabi ang ginugol niya sa pag-iyak, sa tanong kung paano sila makakaraos lalo na noong namayapa ang kanilang “Mamita”, na siyang natirang gumagabay at umaalalay sa kanila.
Ngunit sa tuwing gusto na niyang bumigay, palagi niyang pinapaalalahanan ang sarili na puwedeng magpahinga pero hinding-hindi susuko.
Sa tatlong taon ng pagtatrabaho abroad, hindi bahay, lupa, o sasakyan ang kanyang ipinupundar kundi ang kinabukasan at pangarap ng kanyang mga kapatid.

“Minsan, gusto ko nang sumuko, pero pinapaalalahanan ko ang sarili ko na pwede akong magpahinga, pero hindi ako susuko,” aniya.
At ngayon, isa nang ganap na guro ang panganay na si Nica Pelogero at kasalukuyang kumukuha na ng master’s degree. Si Trisha naman ay nasa aviation industry bilang ground crew. Ang kanyang kapatid na si Maria Kristine ay isang bagong graduate sa kursong Psychology at malapit nang kumuha ng board exam. Ang bunso naman nilang si Jody ay nag-aaral sa Lipa City Colleges, kumukuha ng kursong Bachelor of Science in Nursing.

Kuwento ni John sa BChannel NEWS, ang kwento nilang magkakapatid ay nagsisilbing paalala na ang tagumpay ay hindi nasusukat sa materyal na bagay, kundi sa sakripisyo at pagmamahal sa pamilya.
“Walang dahilan para sumuko. Keep going and keep moving,” sabi ni John, na nagsisilbing inspirasyon hindi lang sa kanyang pamilya, kundi sa libu-libong OFW na nagsasakripisyo sa ibang bansa.
Sa kabila ng mga sakripisyo at pangungulila, natutunan ni John na ang pinakamahalagang sandigan ay ang pananampalataya at ang suporta ng bawat isa. “Kay Lord kami unang lumalapit. Siya ang unang pinagmumulan namin ng lakas at pag-asa,” dagdag pa niya sa interview.
Bilang isang breadwinner, itinuturing ni John ang kanyang misyon bilang isang pagpapala, hindi lang para magbigay ng pera, kundi para magbigay ng pag-asa. “A breadwinner isn’t just someone who brings home money—it’s someone who brings hope. It’s a selfless mission in life.”
Para kay John, ang pinaka-memorable na moment sa kanyang buhay ay ang makita ang kanyang mga kapatid na magsuot ng toga at tanggapin ang kanilang mga diploma. “Ito na marahil ang isa sa pinakamasayang yugto ng aming buhay,” sabi ni John na puno ng pasasalamat.

Sa kanyang mensahe sa mga kababayan nating OFWs na dumadaan sa kahalintulad na pagsubok, nagbigay siya ng inspirasyon: “Magpatuloy. Kahit nakakapagod, magpatuloy. Palaging magdasal, at huwag kalimutan magpasalamat at humingi ng gabay sa Diyos.”
Ang kwento ni John ay hindi lamang kwento ng isang OFW. Ito rin ay kwento ng isang pamilya na hindi nagpatinag sa mga pagsubok, at patuloy na lumalaban at nagmamahalan, na nagsisilbing paalala na sa kabila ng lahat ng sakripisyo, laging may pag-asa at tagumpay na naghihintay.
Si Piolo ay naging isa sa host/News Anchor ng Balisong Channel sa programang Good Morning Batangas, habang ito ay nag-aaral pa lamang ng BA Communication sa University of Batangas. | BChannel NEWS