Isang maulan ngunit makulay na araw ang tinanglawan sa matagumpay na pagdaraos ng Ugnayan Trade Fair 2025 sa Cultural Center ng Lipa City.
Ang kaganapang ito ay nagbigay daan sa mga lokal na negosyante upang mapalawak ang kanilang network at palakasin ang ugnayan sa mga kapwa entrepreneurs. Tampok din dito ang kauna-unahang MSME’s Conference na may temang “Connecting the Batangueño Entrepreneurs.”
Pinangunahan ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) ang event, na dinaluhan ng iba’t ibang local exhibitors at mga entrepreneurs mula sa iba’t ibang sulok ng Batangas.
Tampok dito ang Coffee Day, Business Mentorship, Coop Day, at MSME Conference.
Sa highlights ng conference, ibinahagi ni Ms. Sherill Quintana, isang kilalang negosyante at founder ng Oryspa Spa Solutions, ang kanyang mga game-changing strategies sa pagtatayo at pagpapalago ng negosyo.
Samantala, tinalakay naman ni Mr. Damhilson, CEO ng DV Consulting, ang tamang pagpili ng negosyo na tumutugma sa interest, kakayahan, at branding. Pinaigting din ang inspirasyon ng brand story ng Julie’s Bakeshop para sa mga aspiring local entrepreneurs.
Ipinagdiwang din ang mga lokal na produkto sa pag-award ng Best Booth, Best Managed Booth, at Top Seller sa Batangas Cacao Corporation Association na nagpakita ng kahusayan sa mga produktong cacao.
Maging ang Richie Food Products, na nanalo ng Best Themed Booth dahil sa kanilang festival-inspired concept, at VIN Integrated Farm na nakatanggap ng Top Seller Award sa kanilang eco-friendly handicrafts, ay naging sentro ng atensyon.
Ang Ugnayan Trade Fair 2025 ay nagsilbing isang magandang pagkakataon upang pagtibayin ang ugnayan ng mga lokal na negosyante, pamahalaang lokal, at pribadong sektor, at layuning mapalakas pa ang ekonomiya ng Batangas.
Suportado ang event ng iba’t ibang ahensya at opisyal tulad nina Mayor Eric Africa, Gov. Vilma Santos-Recto, Cong. Ryan Recto, at Kuya Boy Manguera ng PCCI Lipa. | BChannel NEWS