Sa kulungan ang bagsak ng isang 19-anyos na estudyante matapos magbitiw ng biro tungkol sa bomba sa entrance gate ng University of Batangas nitong Huwebes ng umaga, August 28, bandang 10:30.
Ayon sa nilabas na pahayag ng University at ulat ng Security and Safety Office, tinanong ng guwardiya ang estudyante sa pakay niya sa loob ng campus pero ang sagot umano nito, “Saan puwedeng maglagay ng bomba?”
Dahil dito, agad na pinigilan ang lalaki at itinawag sa Batangas City Police.
Kaagad siyang inaresto at dinala sa himpilan. Wala namang nakuhang kahina-hinalang gamit sa kaniyang pag-aari.
Depensa ng suspek, biro lamang ito habang bumibisita para magbayad ng tuition ng kaniyang kapatid.
Ngunit ngayon, siya ay nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1727, o ang batas laban sa maling pagbibigay ng impormasyon ukol sa bomba.
Kung mapatunayang guilty, maaari siyang makulong ng hanggang limang taon at pagmultahin. Sa ngayon, nasa kustodiya pa siya ng Batangas City Police para sa imbestigasyon. | BChannel NEWS