Natagpuang wala nang buhay ang isang lalaki sa creek sa ilalim ng Balibago Bridge sa National Highway, Barangay Balibago, Santa Rosa City, Laguna nitong Lunes ng madaling-araw, October 6, 2025.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Sta. Rosa Police Station, bandang alas-5:30 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki, tinatayang nasa 30 anyos, ng mga tambay at ilang factory workers na naghihintay ng kanilang shuttle service.
Napansin umano nila ang lalaki na nakahandusay sa creek na may bakas ng dugo sa ulo.
Agad nilang ipinaalam ang insidente sa isang street sweeper na kinilalang si “Jun,” residente ng Barangay Macabling. Si Jun naman ang nag-report sa traffic enforcer na si Marlon Basbas, na siya namang tumawag sa Sta. Rosa City Police Station.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, lumalabas na ang biktima ay isa umanong palaboy na naninirahan sa ilalim ng tulay at paminsan-minsang namamasura.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad upang makilala ang biktima at alamin ang tunay na dahilan ng kanyang pagkamatay. | BChannel news