Ipinadala ng Independent Commission for Infrastructure o ICI ang isang urgent request sa Department of Justice ngayong Oktubre 8, 2025, para maglabas ng Immigration Lookout Bulletin Order o ILBO laban sa mahigit tatlumpung (30) indibidwal, kabilang na ang ilang dating at kasalukuyang mambabatas.
Kabilang sa mga pinangalanan sa request ang ilang kilalang personalidad sa politika — sina dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez Sr., Senator Chiz Escudero, Senator Jinggoy Estrada, dating Senator Bong Revilla Jr., at Senator Joel Villanueva.
Kasama rin sa listahan si Makati Mayor Abby Binay, ilang mga opisyal ng gobyerno tulad nina Commissioner Mario Lipana, Undersecretary Trygve Olaivar, Carlene Villa, Maynard Ngu, at iba pang congressmen gaya nina Arjo Atayde, PM Vargas, Marcy Teodoro, Rida Robes, Benjie Agarao, at Bem Noel.
Ayon sa ICI, iniimbestigahan ang mga ito dahil umano sa “ghost projects” at substandard flood control projects na posibleng may anomalya sa paggamit ng pondo.
Nilinaw naman ng ICI na ang ILBO ay hindi travel ban, kundi isang monitoring order para bantayan ng Bureau of Immigration ang galaw ng mga nasasangkot habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.