Isang karumal-dumal na krimen ang naitala sa Bacoor City, Cavite nitong Martes ng umaga, October 7, 2025.
Bandang alas-6:30 ng umaga, iniulat sa Bacoor Component City Police Station ang krimen na naganap sa JJM Barracks, Barangay Mambog 4, Bacoor City.
Rumesponde ang mga pulis matapos matanggap ang tawag at nagsagawa ng imbestigasyon sa lugar.
Sa inisyal na ulat, habang kumakain ng almusal ang biktimang si Eduardo, 32 anyos, isang construction worker, kasama ang testigong si Diane, ay biglang pumasok ang suspek na si Alvaro, tinatayang 40 anyos at residente rin ng Mambog 4.
Walang sabi-sabi, pinagsasaksak umano ng suspek ang biktima, na agad ring binawian ng buhay sa mismong pinangyarihan. Pagkatapos ng krimen, tumakas ang suspek.
Ayon sa Bacoor Police, agad nilang sinelyuhan ang crime scene para sa mga ebidensya at humingi ng tulong sa SOCO.
Patuloy naman ang follow-up investigation at hot pursuit operation ng mga awtoridad upang matunton at mahuli ang tumakas na suspek gayundin ang motibo nito. | BChannel news