Nasawi ang isang lalaki matapos itong suntukin sa panga ng suspek sa Sitio Pingkian, Barangay Looc sa Nasugbu, Batangas pasado alas-6 ng gabi nitong Nobyembre 12, 2025.
Ayon sa Nasugbu Municipal Police Station, bandang alas-9 ng gabi nang makatanggap ng tawag ang Duty Radio Operator mula sa Apacible Memorial District Hospital, na nagsasabing may dinalang lalaki sa kanilang pagamutan.
Sa isinagawang imbestigasyon, lumalabas na ang biktima, na kinilalang si Jonathan, 28 anyos, isang security guard at residente ng Sitio Pingkian, ay dati nang inireklamo sa Barangay dahil sa malakas na tunog ng tambutso ng kanyang motorsiklo.
Habang nireresolba ng mga Barangay Tanod ang reklamo sa bahay ng biktima, dumating ang suspek na kinilalang si John, 32 anyos, residente ng Sitio Silangan, kapwa nasa parehong barangay. Dito na nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng dalawa.
Sa gitna ng alitan, sinuntok umano ng suspek ang biktima sa kaliwang panga, dahilan para ito’y matumba at mawalan ng malay. Agad siyang isinugod sa Apacible Memorial District Hospital, ngunit idineklara nang dead on arrival.
Patuloy naman ang follow-up operation ng Nasugbu Police para sa posibleng pagkakaaresto ng suspek na tumakas matapos ang insidente at masampahan ng kasong homicide. | BChannel news