Isang insidente ng pagnanakaw ang naiulat sa Globe Cell Site na matatagpuan sa Barangay Muzon Segundo, Alitagtag, Batangas.
Ayon sa Alitagtag Municipal Police Station, bandang alas-12:30 ng tanghali noong Enero 5, 2026 nang personal na magtungo sa himpilan ng pulisya si Jherod, kinatawan ng Globe Cell Site, upang iulat ang insidente.
Sa salaysay ni Jherod, habang nagsasagawa siya ng roving inspection sa cell site, nadiskubre niyang wasak na ang kandado ng gate na palatandaang puwersahang pinasok ang lugar.
Nang kanyang inspeksyunin ang loob ng battery storage facility, napag-alamang nawawala ang apat na yunit ng Changhong lithium batteries na nagkakahalaga ng animnapung libong piso bawat isa, gayundin ang isang copper plate na tinatayang may halagang tatlong libong piso.
Aabot sa kabuuang halagang P243,000 ang tinatayang halaga ng mga ninakaw na kagamitan.
Batay sa follow-up investigation at pagsusuri ng CCTV footage, lumitaw na bandang alas-4 ng hapon noong Enero 2, 2026 naganap ang pagnanakaw. Nakuhanan sa video ang isang pulang Mitsubishi Mirage na may plakang EAJ 3531 na gumagala sa paligid ng cell site sa oras na iyon. Kinilala rin ng isang testigo ang naturang sasakyan bilang nakita sa lugar sa panahong pinaniniwalaang naganap ang krimen.
Sa kasalukuyan, wala pang natutukoy na suspek at patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang mga responsable sa insidente. | BChannel news