Bumaba ang bilang ng mga seryosong krimen sa lalawigan ng Batangas, kabilang ang mga insidente ng pamamaril, murder, at homicide, bunga ng pinaigting na community policing at mas maayos na koordinasyon ng mga awtoridad at iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Ito ang inilahad ng Batangas Police Provincial Office sa isinagawang Police Convention 2026: Redefining Barako Policing noong Enero 5, 2026 sa Batangas City Convention Center, sa pangunguna ni Acting Provincial Director PCOL Geovanny Emerick A. Sibalo.
Ayon sa Batangas Police, malaking tulong sa pagpigil ng krimen ang paggamit ng makabagong teknolohiya tulad ng CCTV, drones, at body-worn cameras na nagbigay-daan sa mas mabilis na pagmonitor ng mga insidente at agarang aksyon ng mga pulis sa komunidad.
Kasabay nito, pinatatag ang tiwala ng mamamayan sa pulisya sa pamamagitan ng bukas at transparent na pagpapatupad ng batas, bagay na lalong nagpabuti sa peace and order situation sa lalawigan.
Upang mapanatili ang positibong resulta, patuloy pang paiigtingin ng Batangas Police ang kampanya laban sa loose firearms, ilegal na droga at sugal, at ang pagtugis sa mga wanted person.
Sa parehong pagtitipon, kinilala rin ang ilang hepe ng pulisya sa mga bayan ng Alitagtag, Laurel, Lobo, San Pascual, Talisay, Tingloy at Tuy dahil sa kanilang mahusay na pamumuno at natatanging serbisyo sa kani-kanilang nasasakupan.. | BChannel news | 📸 Batangas PPO