Isang cell site ang pinasok ng mga magnanakaw sa Barangay Bukal, Lemery, Batangas.
Ayon sa Lemery Police Station, bandang alas-2 ng hapon ng Enero 5, 2026 nang personal na magtungo sa istasyon ang isang security guard upang iulat ang insidente.
Sa paunang imbestigasyon, napag-alamang habang nagsasagawa ng roving inspection ang guwardiya sa cell site, nadiskubre niyang nawawala ang ilang kagamitan na hinihinalang tinangay ng hindi pa nakikilalang mga suspek.
Kabilang sa mga ito ang dalawang lithium backup batteries na nagkakahalaga ng tig-₱60,000 at dalawang piraso ng copper blades na may halagang tig-₱3,000.
Tinatayang umaabot sa ₱126,000 ang kabuuang halaga ng mga ninakaw.
Ang biktima ay ang Frontier Tower Associated Philippines Incorporated na kinakatawan ni Melvino. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang mga responsable sa insidente. | BChannel news