Isang lalaki ang arestado ng Agoncillo Municipal Police Station matapos umanong manloko sa loob mismo ng tanggapan ng alkalde sa bayan ng Agoncillo, Batangas.
Kinilala ang suspek na si alyas Gerald, 22-anyos, residente ng Bamban, Tarlac.
Ayon sa Batangas Police Provincial Office, nagtungo ang suspek sa Mayor’s Office noong Enero a-5 at nagpakilalang opisyal na kandidato umano ng isang gay beauty pageant na gaganapin ngayong 2026 at residente raw ng Agoncillo.
Doon, humingi siya ng halagang apat na libong piso mula sa sekretarya ng alkalde. Ngunit nang beripikahin, napag-alamang hindi residente ng Agoncillo ang suspek at walang nakatakdang beauty pageant sa bayan.
Dahil dito, agad siyang inaresto ng pulisya sa kasong Estafa at isinailalim sa medical examination bago dinala sa Agoncillo Municipal Police Station, kung saan siya kasalukuyang nakakulong. | BChannel news | PHOTO: Batangas PPO