Inanunsyo ni DOH Secretary Teodoro Herbosa na tuluyan nang inaalis ng zero balance billing program ang pangangailangan ng guarantee letters mula sa mga politiko sa mga pampublikong ospital.
Ayon sa kanya, direktang makakapagpagamot ang mga pasyente sa mga ospital ng Department of Health nang walang binabayaran at walang hinihinging endorsement ng sinumang opisyal, basta’t naka-admit sa basic accommodation.
Sinabi ni Herbosa na personal niyang nakita ang mga pasyenteng pumila lamang sa outpatient department, naoperahan, at nakauwi nang walang gastos.
Pinaliwanag din niya na pinalakas ang programa sa ilalim ng 2026 national budget kung saan tumanggap ang DOH ng halos 448 bilyong piso, para masustentuhan ang universal health care at zero balance billing.
Dagdag pa niya, may malinaw na probisyon na sa batas na nagbabawal sa pakikialam ng mga politiko sa pamamahagi ng tulong medikal, upang matiyak na ang serbisyong pangkalusugan ay direkta at walang pamumulitika.