Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek dakong alas-8 ng umaga, Enero 11, sa Barangay Dagatan, bayan ng Taysan, Batangas.
Ayon sa Taysan Municipal Police Station, bandang alas-9:30 ng umaga nang makatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen na nag-ulat ng pamamaril sa naturang lugar.
Sa paunang imbestigasyon, lumalabas na ang biktimang kinilalang si “Adotemio” ay nagtatrabaho lamang sa kanyang bakanteng lote nang bigla na lang siyang lapitan at barilin ng dalawang lalaki nang walang anumang dahilan.
Dahil sa tinamong tama ng bala, agad na binawian ng buhay ang biktima. Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang dalawang suspek patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.
Sa isinagawang pagproseso sa crime scene, isang basyo ng bala ng kalibre .45 ang narekober ng mga awtoridad. Patuloy naman ang isinasagawang follow-up at hot pursuit operations ng Taysan MPS upang makilala at madakip ang mga suspek sa pamamaril. | BChannel news