Isang lalaki ang natagpuang patay bandang alas-siyete ng umaga nitong Enero 13 sa ilalim ng tulay sa Lipa–Garcia Bypass Road, Purok 7, Barangay San Celestino, Lipa City, Batangas.
Ayon sa imbestigasyon ng Lipa City Police, isang grupo ng mga babaeng nagjo-jogging ang unang nakapansin ng mga bakas ng dugo sa ibabaw ng tulay.
Nang silipin nila ang ilalim nito, doon nila nakita ang walang buhay na katawan ng lalaki na nakagapos ang dalawang kamay gamit ang itim na medyas at may tama ng bala sa ulo.
Agad nilang ini-report ang insidente sa barangay captain ng Barangay San Celestino na siya namang tumawag sa Lipa City Police Station. Sa lugar ng insidente, nakarekober ang mga awtoridad ng isang basyo ng bala at isang deformed na bala sa ibabaw ng tulay.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at ang motibo sa krimen. | BChannel news