Isang babae ang nasawi sa umano’y pagkalunod sa isang resort sa Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City, Laguna noong gabi ng Enero 24, 2026.
Batay sa ulat ng Calamba City Police Station, bandang alas-7 ng gabi nang ipaalam sa kanila ng duty guard ng JP Rizal Hospital ang insidente, kaya agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang pulisya.
Ayon sa paunang pagsisiyasat, dumalo ang biktima sa kasal ng kanyang tiyuhin kasama ang pamilya at mga kamag-anak. Habang isinasagawa ang selebrasyon, naligo sa swimming pool ang biktima kasama ang kanyang mga pinsan at kapatid.
Nang tawagin ang grupo para kumain, naiwan umano ang biktima sa pool. Ilang sandali ang lumipas nang mapansin ng isang saksi na nakalubog na sa tubig ang biktima at wala nang malay.
Agad itong iniahon at sinubukang bigyan ng paunang lunas, kabilang ang CPR na isinagawa ng ama ng biktima.
Isinugod pa ang biktima sa ospital matapos magsuka at mailuwa ang tubig mula sa kanyang bibig, subalit idineklara itong dead on arrival bandang alas-7:30 ng gabi. Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa naturang insidente.