Isang ama ang nasawi matapos umanong pagsasaksakin ng sariling anak sa loob ng isang construction barracks sa Timberland Heights, Barangay Guitnang Bayan Uno sa San Mateo, Rizal ng ika-24 ng Enero.
Ayon sa ulat ng San Mateo Municipal Police Station, batay sa salaysay ng saksi na kapatid ng suspek, kapwa nasa loob ng silid ang biktima at ang suspek at kapwa nakainom ng alak nang mauwi sa mainitang pagtatalo ang kanilang usapan.
Sa gitna ng alitan, bigla na lamang umanong inundayan ng saksak ng suspek ang kanyang ama sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Tinangka pang awatin ng saksi ang kanyang kapatid ngunit itinulak umano siya ng suspek kaya’t kapwa sila nagtamo ng sugat.
Agad na isinugod ang biktima sa Hospital ngunit kalaunan ay idineklarang patay ng doktor.
Samantala, dinala ang suspek sa Maclang Hospital para sa gamutan bago tuluyang arestuhin ng mga pulis. Ipinabatid sa kanya ang kanyang mga karapatan at ang dahilan ng kanyang pagkakaaresto habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa kaso.