Arestado na ang suspek sa pagpatay sa isang make-up artist na natagpuang patay sa baybayin ng Barangay Fabrica sa bayan ng Lobo, Batangas, bandang alas-10:30 ng gabi noong ika-26 ng Enero.
Ayon sa pahayag ng Lobo PIO, nakakalap ang kapulisan ng impormasyon ng suspek sa pulisya ng San Francisco, Quezon.
Dahil dito, namataan at naaresto ang suspek sa Barangay Ibabang Tayuman sa San Francisco, Quezon. Sa operasyon kaninang umaga, ika-31 ng Enero, 2026, narekober mula sa suspek ang motorsiklo at ilang personal na gamit ng biktimang si Aljhon Abag.
Batay sa paunang imbestigasyon, nagtamo ang biktima ng mga gasgas sa iba’t ibang bahagi ng katawan at matinding pinsala sa noo na hinihinalang dulot ng matigas na bagay. Isang malaking bato na may bahid ng dugo ang natagpuan malapit sa lugar kung saan nakita ang bangkay, na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.
Sa ngayon, patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang tunay na motibo ng suspek sa naganap na pagpaslang. Sinisiguro naman ng kapulisan na mahaharap sa kaukulang kaso ang suspek. | BChannel news