Isang lalaking hindi pa nakikilala ang natagpuang patay madaling-araw ng Pebrero a-2 sa Sitio de Guzman, Barangay Sabang sa Bayan ng Tuy, Batangas.
Ayon sa Police Regional office 4-A, bandang alas-4:20 ng umaga nang unang mamataan ng isang residente ang wala nang buhay na katawan ng biktima habang patungo umano sa Tuy Grand Terminal.
Makalipas ang ilang minuto, alas-4:45 ng umaga, ini-report ito sa pulisya matapos mapansing may nakatakip na sako sa ulo ng biktima.
Rumesponde ang mga pulis sa lugar at sa paunang imbestigasyon, napag-alamang may sugat ang biktima sa bahagi ng kanang kilay. Gayunman, hindi pa matukoy ang eksaktong sanhi ng sugat at kamatayan habang hinihintay ang resulta ng isasagawang awtopsiya.
Inilarawan ang biktima na may tinatayang taas na limang talampakan, nakasuot ng dilaw na T-shirt at itim at dilaw na jersey shorts.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kabilang ang backtracking ng mga CCTV sa lugar, at koordinasyon sa Regional Forensic Unit para sa masusing pagproseso ng pinangyarihan ng insidente. | BChannel news