Nasagip ng Philippine Coast Guard ang isang 33-anyos na lalaki matapos itong tumalon mula sa MV Trans Asia 20 sa karagatan ng Batangas Bay, Biyernes ng gabi, Pebrero 13.
Ayon sa PCG, kararating lamang ng 16 minuto mula nang umalis ang barko sa Batangas Port patungong Caticlan, Aklan nang iulat ng isang babaeng pasahero na tumalon ang kanyang pinsan mula sa ikalimang deck ng sasakyan-dagat.
Agad nagsagawa ng search and rescue operation ang mga sea marshal at tripulante ng barko, habang nagpadala naman ang Coast Guard ng mga rescue boat at specialized team para hanapin ang biktima sa kabila ng dilim at limitadong visibility.
Bandang alas-onse ng gabi nang matagpuan at maisalba ang lalaki. Dinala siya sa Batangas Medical Center at kasalukuyang nasa maayos na kondisyon.
Patuloy ang imbestigasyon ng Coast Guard upang matukoy ang dahilan ng pagtalon ng lalaki.