Arestado ang isang 27-anyos na lalaki matapos umanong tangayin ang isang motorsiklo sa Brgy. Lumbangan, Nasugbu, Batangas.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si AJ, isang barbero at residente ng Brgy. Sampaga, Balayan, Batangas. Ang biktima naman ay isang 50-anyos, mula sa Sitio Campo Avejar, Brgy. Lumbangan, Nasugbu.
Batay sa imbestigasyon ng Nasugbu Municipal Police Station, alas-12 ng madaling araw noong Pebrero 23 nang mawala ang pulang motorsiklo ng biktima.
Kalaunan ay may natanggap na impormasyon na namataan umano ang naturang motorsiklo sa Balayan, Batangas. Agad na nagtungo roon ang biktima kasama ang kanyang mga kamag-anak at positibong kinilala ang nawawalang sasakyan. Ngunit nang mapansin umano ng suspek ang kanilang presensya, mabilis itong tumakas.
Dahil dito, agad na humingi ng tulong ang biktima sa Nasugbu at Balayan police. Nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek at pagkarekober ng ninakaw na motorsiklo.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng Nasugbu Municipal Police Station ang suspek. Inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa kanya. | BChannel news