Patay ang isang construction worker matapos gumuho ang bahagi ng ginagawang istruktura sa kahabaan ng Daang Bakal Street, Barangay Maly, San Mateo, Rizal kahapon, Pebrero 23, alas-8 ng umaga.
Batay sa paunang imbestigasyon ng San Mateo Police Station, kasama ng biktima na si Kristian ang kanyang ama na si Rolando sa konstruksyon nang biglang bumagsak ang mataas na bahagi ng istruktura, partikular ang scaffolding, at diretsong tumama sa kanya. Nagtamo ito ng matitinding pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Isinugod ng kanyang ama si Kristian sa Hospital para malapatan ng lunas, subalit makalipas ang ilang oras ay binawian na rin ito ng buhay dahil sa matinding traumatic injuries na kanyang tinamo.
Inilipat naman ang mga labi ng nasawi sa isang punerarya sa San Mateo para sa kaukulang burol at paghahanda.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy kung may kapabayaan sa insidente at kung may mananagot sa ilalim ng Article 365 ng Revised Penal Code o Reckless Imprudence Resulting in Homicide.
Sa ngayon, nananatiling under investigation ang kaso. | BChannel news