Arestado ang isang 56-anyos na lalaki matapos manghimasok at manloob sa isang bahay sa Barangay 4, Mataasnakahoy, Batangas, alas-11:30 ng gabi nitong Pebrero 23.
Kinilala ang suspek na si Amboy, residente rin ng nasabing barangay.
Ayon sa imbestigasyon, nakatanggap ng tawag ang Mataasnakahoy Municipal Police Station mula sa isang concerned citizen na may isang hindi kilalang lalaki na pumasok sa isang bahay at naiipit sa likurang bahagi nito. Agad namang rumesponde ang mga pulis na nagsasagawa noon ng checkpoint operation sa lugar.
Pagdating sa pinangyarihan, sinubukan ng rumespondeng pulis na kausapin at pakalmahin ang suspek ngunit tumanggi umano itong makipagtulungan at bigla pang nagtangkang managa gamit ang isang itak. Dahil sa masikip na espasyo, napaurong ang pulis upang maiwasan ang posibleng pinsala.
Isinagawa ang negosasyon upang mapasuko ang suspek ngunit nanatili itong agresibo. Humingi ng tulong ang pulisya sa Bureau of Fire Protection at binuhusan ng tubig ang suspek upang mapahina at makontrol ang sitwasyon.
Sa gitna ng operasyon, nilapitan ng Deputy Chief of Police ang suspek subalit sa halip na sumuko ay sumugod pa umano ito habang iwiniwasiwas ang itak na nakatali sa kanyang kaliwang kamay.
Dahil dito nagpaputok ang opisyal at tinamaan ang paa ng suspek. Kahit sugatan ay patuloy pa rin umano itong sumugod kaya’t muli itong pinaputukan at tinamaan sa kaliwang braso hanggang tuluyang mapasuko.
Agad na dinala ang suspek sa Hospital sa Barangay Banay-Banay 1st, San Jose, Batangas para sa agarang lunas.
Narekober mula sa kanya ang isang itak na may habang tinatayang 53 sentimetro at isang panyo na ginamit na panali sa naturang sandata.
Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng Mataasnakahoy Municipal Police Station habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanya. | BChannel news