Patay ang isang tricycle driver matapos pagbabarilin ng kanyang nakaalitang lalaki sa Brgy. Talolong, Lopez, Quezon nitong Lunes ng hapon, March 16.
Batay sa ulat ng Lopez Municipal Police Station, bandang alas-5:45 ng hapon nang makatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen na nag-ulat ng naganap na pamamaril sa harap ng Lopez Water District Office sa Anda Street.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, napag-alamang nagkaroon muna ng mainitang pagtatalo ang biktima at ang suspek bago ito humantong sa pamamaril. Agad na bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan ang biktima na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Kinilala ang biktima na si Ronnie, nasa hustong gulang, isang tricycle driver at residente ng Brgy. Canda Ilaya sa nasabing bayan.
Samantala, kinilala naman ang suspek na si Arvin, nasa hustong gulang din at residente ng Brgy. Gomez, Lopez, Quezon.
Sa pagsusuri ng mga awtoridad sa crime scene, nakarekober ang mga imbestigador ng apat na basyo ng bala at isang fired bullet na hinihinalang mula sa kalibre .45 na baril.
Lumabas din sa paunang imbestigasyon na posibleng lumang alitan o old grudge ang motibo sa pamamaril.
Agad namang nagsagawa ng checkpoint ang pulisya sa kahabaan ng Lopez–Catanauan Road habang nagpapatuloy ang follow-up operations upang matunton at maaresto ang suspek.
Humingi na rin ng tulong ang Lopez Police sa Quezon Forensic Unit para sa mas masusing pagproseso ng crime scene habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente. | BChannel News