
Isang 15 taong gulang na estudyante ang natagpuang patay sa gubat sa Purok 5, Brgy. Sta. Maria, Laurel, Batangas na hinihinila umanong ginahasa.
Natagpuan nitong Lunes ng gabi ang bangkay ng biktima na hubo’t hubad at wala ng buhay.
May takip na damit ang mukha ng biktima at kalapit ng bangkay niya ang kaniyang module. Nagtungo umano ito sa kaniyang kaklase para mag-aral ng module bago ang pangyayari.
May bakas rin ng sakal ang biktima at hinihinalang ginahasa pa.
Ayon sa imbestigasyon ng otoridad, umaga ng Lunes nang magtungo ang biktima sa kaklase para gumawa ng module. Nang pauwi na, dumaan muna siya sa kanilang alagang baka para pakainin ito.
Nang gabi na, dito na nagtaka ang kaniyang kapatid dahil hindi pa rin umuuwi ang biktima kaya nagsimula na silang maghanap.
Samantala, arestado naman nitong Martes ang itinuturong suspek na isang barangay tanod na itinanggi ang paratang sa kaniya.
Sinabi ng Laurel police na may hawak silang testigo na nagtuturo sa suspek.
Sa ngayon, hindi pa malinaw kung makakauwi ang ina ng biktima na isang OFW sa Saudi Arabia.