Isang bukas na diskusyon at konsultasyon ang naganap sa pagitan ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Batangas, kasama ang kinatawan ng mga Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender (LGBT) organizations sa Lalawigan ng Batangas tungkol sa pagpapaganap ng Provincial Ordinance No. 005, Series of 2015, o “An Ordinance Prohibiting Discrimination on Sexual Orientation, Gender Identity amd Gender Expression for Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender (LGBT) in the Province of Batangas”.
Malugod na tinanggap ng SP ang mga miyembro ng Wagayway Equality Coalition Inc., TLF SHARE Collective Inc., Provincial LGBTQ Alliance of Batangas (PLAB) at LAGABLAB sa kanilang Regular Session noong ika-22 ng Nobyembre 2021 sa Gat. Apolinario Mabini Memorial Bldg., Capitol Site, Batangas City.
Sa pangunguna ni 5th District Senior Board Member Claudette Ambida-Alday, kabilang sa mga tinalakay ang panukalang susog sa Ordinance No. 005-2015 na paglalaan ng pondo na maaaring gamitin sa mga proyekto upang mapigilan ang pagkalat ng mga sexually transmitted infections kagaya ng human immunodeficiency virus (HIV), at sexually transmitted diseases, katulad ng Acquired Immunodeficiency Syndrome (AIDS) at pagbibigay ng kaalaman sa mga tao kung paano mapipigilan ang pagkalat nito, at ilan pang mga isyu na kinakaharap ng mga myembro ng LGBTQ community.
Binigyang-diin naman ni Bokal Ambida-Alday na ang SP, kasama ang lahat ng bumubuo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, ay katulong at katuwang ng LGBTQIA+ community sa buong Batangas sa pagsusulong ng kanilang mga karapatan.
via | Batangas Capitol PIO