Arestado ang isang 40-anyos na lalaki sa isinagawang manhunt operation ng Batangas Component City Police Station sa Barangay Ambulong, Batangas City, pasado alas-8 ng gabi noong May 5.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si JC, isang construction worker, na nahaharap sa kasong murder at tubong Camarines Sur.
Ayon sa Batangas police, inaresto ang akusado base sa warrant of arrest na inilabas pa noong June 24, 2010 ng Regional Trial Court Branch 84 sa Quezon City. Nakasaad sa kautusan na walang inirekomendang piyansa para sa naturang kaso.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Batangas Component City Police Station ang akusado habang inihahanda ang kaukulang legal na proseso.
Patuloy namang pinaalalahanan ng pulisya ang publiko na ang warrant operations ay bahagi ng kampanya laban sa mga pinaghahanap ng batas, bilang bahagi ng pagpapatupad ng kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.