Patay ang tatlong motorista sa dalawang magkahiwalay na aksidente sa kalsada noong Lunes sa mga bayan ng Bauan at San Jose, Batangas.
Sa ulat ng Batangas Provincial Police, dakong alas-2:30 ng hapon nang mabangga ng isang van na minamaneho ni Romeo Evangelista ang isang motorsiklo at isang tricycle at na-side-swipe ang isang pick-up sa kahabaan ng national road sa Barangay As-is sa bayan ng Bauan.
Nagtamo ng matinding pinsala ang rider ng motorsiklo na si Henry Pasia, 34, at tricycle driver na si Norberto Rabacid, 63, at dinala sa dalawang ospital, ngunit kapwa idineklarang dead on arrival.
Nagsasagawa ng karagdagang imbestigasyon ang pulisya habang nakakulong si Evangelista.
Sa bayan ng San Jose, binangga ng isang Tamaraw na minamaneho ni Edwin Santos, dakong alas-5:10 ng hapon ang rider ng motorsiklo na si Melvin Dela Peña, 48, sa kahabaan ng provincial road sa Barangay Aya.
Namatay ang biktima habang dinadala sa San Jose District Hospital.
Inaresto at ikinulong naman sa presinto sa bayan ng San Jose, si Santos dahil sa kanyang pagkakasala.
via | INQ