Posibleng magkaroon ng pagkaantala sa koleksyon ng basura sa ilang barangay sa Batangas City kasunod ng pagsasaayos ng pribadong landfill, habang pinag-aaralan pa ng Provincial Solid Waste Management Board ang posible umanong pagsuspinde sa solid waste management facility na iniuugnay sa polusyon sa mga ilog sa lungsod.
Ayon sa abiso ng lokal na pamahalaan, hindi naman ititigil ang regular na paghakot ng basura, ngunit maaaring maapektuhan ang schedule dahil sa kasalukuyang pagsasaayos ng landfill. Kaya hinihikayat ang mga residente na hangga’t maaari ay huwag munang maglabas ng basura upang maiwasan ang pagtatambak at pagkalat nito sa mga kalsada.
Pinapayuhan ang publiko na hintayin ang anunsyo ng kani-kanilang barangay o local office tungkol sa normal na schedule ng garbage collection.
Samantala, nilinaw ng Office of the City Environment and Natural Resources Officer o ENRO Batangas na nagpapatuloy ang paghakot ng basura sa bawat barangay ayon sa nakatakdang schedule. Hinikayat din ang publiko na panatilihin ang tamang waste segregation.
Kabilang sa nabubulok ang tirang pagkain, balat ng prutas at gulay, at mga dahon. Sa recyclable naman ang mga bote, lata, plastic bottles, papel at karton. Ang sachet, wrappers, diapers at styro ay kabilang sa residual waste, habang sa hazardous o special waste naman ang baterya, bombilya, lata ng pintura at expired na gamot.
Kaugnay nito, patuloy ding isinusulong sa lungsod ang programang Basura Mo, Bigas Ko bilang paraan upang mahikayat ang mga residente na mag-segregate at mag-ipon ng recyclable materials.
Sa Barangay Bucal, umabot sa 47 sako at 9 na kilo ng bigas ang naipamahagi noong November 21 kapalit ng mga nakolektang recyclable waste.
Nauna rito, nakapamahagi rin ng 161 sako at 4.77 kilo ng bigas sa Barangay Kumintang Ibaba noong November 14 sa ilalim ng kaparehong programa.
Samantala, matatandaang pinag-aaralan ng Batangas Provincial Solid Waste Management Board ang mga hakbang laban sa naiulat na polusyon sa Sabang, Catandala River o Maapas River sa Barangay Maapas, Batangas City.
Sa mga iniulat na findings, kabilang sa mga posibleng pinagmumulan ng polusyon ang wastewater at leachate na dumadaloy sa ilog, gayundin ang basurang nagmumula sa mga kalapit na sanitary landfill. Nagreklamo rin ang mga residente tungkol sa mabahong amoy na nakaaapekto sa mga komunidad sa paligid nito.
Tinalakay ang naturang problema sa isang meeting sa Provincial Government-Environment and Natural Resources Office Building sa Capitol Site, Batangas City noong November 11, 2026.
Dahil dito, inatasan ni Batangas City Mayor Marvey Marino ang mga concerned offices, katuwang ang mga apektadong komunidad, na magsagawa ng cleanup operation upang alisin ang mga basurang nagmumula sa landfill.
Nanawagan din ang alkalde sa publiko na makiisa sa pagpapanatili ng kalinisan at kaligtasan ng mga residente.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag ang may-ari ng landfill tungkol sa mga posibleng hakbang ng lokal na pamahalaan.
Patuloy namang hinihikayat ang mga Batangueño na mag-segregate ng basura at sumunod sa mga abiso ng kanilang barangay upang maiwasan ang pagdami ng basura habang inaayos ang sistema ng pagtatapon nito.