
Inaprubahan na ng Senado ng Pilipinas ang iminungkahing P629.8-bilyong badyet ng Department of Education (DepEd) para sa taong 2022.
Batay sa 2022 budget ng DepEd na inaprubahan ng Senado noong Lunes, Nobyembre 22, ang naturang pondo ay 6% na mas mataas kumpara sa P595 bilyong budget ng kagawaran ngayong 2021 para suportahan ang pagpapalawak ng ligtas na face-to-face classes.
Pinuri naman ni Sen. Pilar Juliana “Pia Cayetano,’ isa sa mga sponsor ng budget ng DepEd, ang pagsisikap ng ahensya na itulak ang ligtas na pagbabalik sa mga paaralan ng mga estudyante simula Nobyembre 15.
Pinasalamatan ni Education Secretary Leonor Briones ang Senado sa pagkilala sa pangangailangang ipagpatuloy ang pagpapalawak ng safe face-to-face classes program na nakatutok sa pagbawi ng edukasyon.
Ayon sa DepEd, sa ilalim ng 2022 budget ay tumaas ang alokasyon para sa mga malalaking programa ng kagawaran katulad ng computerization program at government assistance and subsidy kasama ang senior high school voucher program.
Ipinahayag pa ng DepEd na naglaan sila ng P358 milyon para sa bagong likhang programa na tinatawag na Priority School Health Facilities bilang tugon sa pandemya ng COVID-19. | BNC