
Dead on the spot ang isang construction worker habang tatlong kasamahan nito sa trabaho ang sugatan sa pagsabog ng Acetylene Tank sa Trece Martires City, Cavite nitong Martes dakong alas 11:40 ng umaga.
Ayon sa report ng Trece Martires police, nasawi ang biktimang si Eddie Boy Villar, 35 taong gulang matapos magtamo ng mga grabeng pinsala sa katawan.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, naghuhukay umano ang biktima kasama ang nasa 10 pang kasamahan sa isang parking area sa tabi ng Command Center Sa Barangay Gregorio habang gumagamit ng acetylene para sa pamputol sa mga bakal nang biglang sumabog ang tangke nito.
Sa lakas ng impact ng pagsabog, nabasag ang mga salamin ng Command Center building at isa pang katabing gusali, nagtalsikan din ang malalaking bato sa paligid na tumama sa ilang pribadong sasakyan na dumadaan sa lugar.
Isinugod naman sa General Emilio Aguinaldo Hospital ang tatlong nasugatan.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pangyayari at inaalam ang sanhi ng pagsabog ng tangke.