
Kalunos-lunos ang sinapit na kamatayan ng isang lalaki nang pagsasaksakin ng mga lasing na suspek matapos mapagkamalan lang na namato sa Roxas, Palawan, dakong alas onse ng gabi nitong Linggo.
Kinilala ng awtoridad ang biktima na si Jonny Tero, 50 anyos, habang nakilala naman ang dalawang magpinsan na suspek na sina John Erick Bungay, 25 anyos at Noel Bungay 27 anyos.
Ayon sa imbestigasyon ng mga otoridad, pauwi na sana ang dalawang suspek nang pagbabatuhin ang mga ito ng hindi pa kilalang mga kalalakihan sa naturang lugar.
Sa tindi ng galit ng mga suspek, nakita nila ang paparating na biktima na walang alam sa nanyaring pamamato na inakala lang na kasama sa mga nambato kaya agad itong nilapitan ng dalawang suspek at pinagsasaksak sa iba’t ibang parte ng katawan. Matapos ang insidente mabilis na tumakas ang mga suspek.
Naisugod pa ang biktima sa ospital ng mga otoridad, pero idineklara itong dead on arrival.
Samantala, agad namang nahuli sa manhunt operation ang mga suspek na ngayon ay nasa kustodiya na ng pulisya.