fbpx

Mga lalaki, mas makakalimutin kaysa mga babae

Nakadikit na sa mga lalaki ang mga stigma tulad ng pagkalimot sa kaarawan, wedding anniversary, o pagtatapon ng basura. Hindi natin maiwasang mainis, magtampo, o magalit sa kanila dahil kahit ang mga simpleng gawaing ito ay nakaliligtaan nilang gawin.

Ang mahalagang tanong: masisisi ba natin sila sa bagay na ito? 

Free man sitting in woodpile

Noong 2015, nagsagawa ng pananaliksik ang Aston University upang matukoy kung aling kasarian ang may higit na matalas na memorya. Lumabas sa pag-aaral na mas may kakayahang makatanda at makaalaala ang mga babae ng mga dapat gawin sa hinaharap.

Batay kay Dr. Liana Palermo, isang Marie Curie Research Fellow sa School of Life and Health Sciences, ang resultang ito ay may kinalaman sa domestic role ng kababaihan kung saan nahahasa ang kanilang memorya at kakayahan sa pagpaplano bunga ng responsibilidad nila sa loob ng tahanan.

Nakatutulong ang kasanayang ito upang makabisado nila ang mga dapat gawin sa araw-araw. Kaya’t iminungkahi ni Dr. Palermo na mahahasa ng mga lalaki ang kanilang memorya sa pamamagitan ng pagiging aktibo sa mga gawaing bahay.

a man holding an open book sitting on the floor
Photo by Yan Krukau on Pexels.com

Naniniwala ang mga eksperto na ang rebelasyong ito ay mauugat sa kaibahan ng hormones o istruktura ng utak ng kalalakihan at kababaihan.

Ayon sa isang pag-aaral na inilathala sa The Quarterly Journal of Experimental Psychology noong 2015, mas makakalimutin ang mga lalaki dahil ang kanilang hippocampus o iyong parte ng utak na may kaugnayan sa memorya ay higit na mabilis lumiit kaysa sa mga babae sa pagitan ng mga edad 20 at 40. 

Isa pang pag-aaral na nagpapatunay na mas nagkakaproblema sa memorya ang mga lalaki kaysa mga babae ay mula sa Norwegian University of Science and Technology na pinangunahan ni Prof. Jostein Holmen.

Natuklasan ng mga mananaliksik na parehong makakalimutin ang mas bata at mas nakakatandang kalalakihan, mapa-30 o 60 taong gulang man sila.

Hinuha nila na may kinalaman ang pagiging makakalimutin ng mga lalaki sa mas malaking tsansa ng pagkakaroon nila ng sakit sa puso, high blood pressure, o high body mass index (BMI) na maaaring mag-trigger sa neurodegeneration na siyang sanhi ng kahirapan sa pag-alaala. 

man sitting in front of three computers
Photo by olia danilevich on Pexels.com

Kaya’t huwag ka nang mainis o magtampo sa mga lalaking nakapaligid sa iyo kung madalas silang makalimot sa mga bagay-bagay dahil hindi nila ito kasalanan.

Nararapat nating maintindihang magkaiba ang disenyo ng katawan ng kalalakihan at kababaihan. At mula rito ay mas lawakan natin ang ating pang-unawa sa ating kapwa sa pareho at kasalungat na kasarian.  | KRIZELLE ZALAMEA intern

About Author