Patay ang isang 59 anyos na lalaki sa Barangay Mavalor, Rosario, Batangas matapos masagasaan ng isang motorsiklo nitong Linggo ng gabi, May 28, 2023.
Ayon sa report na natanggap ng Rosario MPS mula sa isang barangay official ng Barangay Mavalor, Rosario, Batangas ay mayroon umanong insidente ng banggaan sa kanilang lugar.
Sa inisyal naman na imbestigasyon ng Rosario MPS, naglalakad umano ang dalawang biktima sa bahagi ng kalsada ng naturang barangay nang bigla umanong sumulpot ang isang motorsiklo dahilan upang masalpok nito ang dalawang biktima.
Kinilala ang nasawing biktima na si Godofredo Quizon, 59 anyos, residente ng Barangay Bulihan, Rosario Batangas. Samantala, kasama ng nasawi ang isa pang biktima na si Guiller Carrido,36 anyos, residente naman ng Barangay Mavalor, Rosario Batangas.
Kinilala rin ang driver ng motorsiklo na si Ariel Perez, 18 anyos, residente rin ng Barangay Mavalor, Rosario Batangas.
Dagdag ng pulisya wala umanong lisensya ang naturang driver.
Naisugod pa sa pinakamalapit na pagamutan ang mga biktima ngunit idineklarang dead on arrival ang isa sa mga ito na nagtamo ng matinding tama sa ulo. Samantala, nagtamo naman ng iba’t ibang pinsala sa katawan ang isang pang biktima at ang driver.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nangyaring insidente. | J.Samarita, BChannel News intern